Arestado ang isang babaeng wanted sa syndicated estafa sa Baguio City, matapos ang halos pitong taong pagtatago sa Metro Manila.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Rosario Balicha, na nadakip ng Quezon City Police District Station 14 sa Barangay Sauyo, Quezon City.

Ayon sa QCPD Station 14, isang informant ang nagsabing ang suspek ay gumagamit ng iba’t ibang pangalan at may warrant.

Naisampa ang kaso laban kay Balicha ilang taon na ang nakararaan sa Baguio City, matapos magreklamo ang ilang investor sa kumpanya kung saan nagtatrabaho ang suspek.

Maliban kay Balicha, may 19 pang kapwa akusado sa parehong kaso.

Mag-aalok umano ang mga suspek ng investment sa kanilang wellness program, na may pangakong tubo na 4% hanggang 12% kada buwan. At kapag nag-imbita ng iba pang investor, makakakuha ang mga naunang nag-invest ng karagdagang pera. 

“Hindi po ako prepared, hindi ko matanggap dahil wala po akong kasalanan, hindi po ako guilty dahil dinamay lang naman po ako. Staff lang po ako sa company na ‘yon,” sabi ni Balicha.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaukulang dokumento para sa return of warrant ni Balicha, na ibibiyahe papuntang Baguio City. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News