Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sumailalim siya sa heart bypass surgery nang mag-wellness leave siya ng 10 araw. Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na hindi siya magbibitiw sa kaniyang trabaho.
Sa media briefing nitong Huwebes, ibinahagi ni Remulla na tumagal ng pitong oras ang kaniyang bypass surgery noong June 27. Isinagawa umano ang procedure nang makita ang bara sa ugat sa kaniyang puso nang sumailalim siya sa physical examination isang linggo bago nito.
“Ang suwerte ko lang, never ako inaatake, never ako inaatake or na-stroke. Kaya ang suwerte ko lang nakita talaga itong mga bara na puwedeng maging cause ng atake,” anang kalihim.
Ayon pa kay Remulla, pinayagan na siyang lumabas ng ospital limang araw makaraan ang operasyon.
“At ngayon, I’m undergoing physical rehabilitation sessions. Kasi kapag na intubate kayo, hihina ang baga. At saka marami akong kahinaan ng katawaan, kaya nag a-ano po ako, I’m doing physical therapy,” patuloy niya.
“Okay naman [I’m fine]. So far so good. My voice is very clear, my mind is very clear,” pagtiyak niya.
Nang tanungin kung iniisip ba niyang magbitiw na sa puwesto dahil sa lagay ng kaniyang kalusugan, tugon ni Remulla, “Never."
“I serve at the pleasure of the President. And I will continue to discharge my functions as long as the President believes in my capability to lead the department,” paliwanag niya.
Kinausap na rin umano niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at pinayuhan siyang magpalakas.
“He’s very happy that I made the decisions that I did to go through the procedure and to come out of it very well. And I thank the President for the trust,” sabi ni Remulla.
Ayon sa kalihim, babalik na siya sa trabaho “technically” sa Lunes, pero hindi pa siya puwedeng magpunta sa kaniyang opisina nang araw-araw.
“I will be meeting the leadership on Monday. A lot of Usecs, Asecs, I’ll be meeting on Monday morning after the flag [ceremony] para sa instructions, para magkaroon ng mga direction, mga orders na kinakailangan,” ani Remulla. — FRJ, GMA Integrated News

