Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ibibigay ng pamahalaan ang COVID health emergency allowance at iba pang mga nakabinbing benepisyo para sa mga healthcare worker.

Sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos nitong Lunes, sinabi ng pangulo na panahon na para maibigay ang mga nararapat na mga benepisyo sa mga medical personnel na nagsakripisyo noong kasagsagang COVID-19 pandemic.

"Upang masuklian naman natin ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampublikong ospital noong nakaraang pandemya, ipapamahagi na sa kanila ang kanilang COVID health emergency allowance at iba pang mga nabinbin na benepisyo," ayon kay Marcos.— FRJ, GMA Integrated News