Nahuli-cam ang ginawang pagtangay ng isang lalaking akyat-bahay umano sa flat screen TV, blender at grocery items ng nilooban niyang bahay sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang paglabas ng lalaki sa nasabing bahay sa Barangay Santa Maria.

Dala-dala ng lalaki ang isang plastic at speaker, bago bumalik ulit sa loob.

Ilang saglit pa, marahan niyang inilabas ang isang flat screen TV bago muling umakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

Maya-maya pa, hinalughog na rin niya ang ilang item sa kusina, kinuha ang blender at ilang grocery.

Sinabi ng may-ari ng bahay, na isang OFW, na dumaan sa bintana sa likod ng bahay ang suspek matapos itong makalimutang isara ng kasambahay.

Naisauli ang TV na pinaniniwalaang ibinenta ng salarin sa ibang barangay sa isinagawang operasyon ng pulisya.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng salarin. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News