Nauwi sa krimen ang ayaw ng magkapitbahay sa Rizal dahil sa panunungkit at pagkuha ng mga bunga ng mangga nang walang paalam sa may-ari ng puno. Magiging pag-aari na ba ng isang residente ang bunga sa puno ng prutas ng kapitbahay kung nakalaylay sa bakuran niya ang bunga? Alamin.

Sa segment na "AskAttyGaby" ng GMA show na Unang Hirit, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na sa ilalim ng Article 681 ng Civil Code, hindi porke’t nakalaylay o umabot sa property ng kapitbahay ang sanga na may bunga ay maaari na niya itong angkinin at pitasin.

Ayon sa batas, kapag nakakabit pa sa puno ang bunga, pagmamay-ari pa rin ito ng may-ari ng puno kahit na nakalaylay ito sa bakuran ng kapitbahay.

Ngunit ibang usapan na kung nahulog sa lupa ng bakuran ng kapitbahay ang bunga. Dito, maaari nang angkinin ng kapitbahay ang bunga.

Pero paliwanag ni Atty. Concepcion, dapat kusang nahulog ang bunga, at hindi sinungkit o inalog ang puno.

Kung nakalaylay naman ang sanga sa bakuran ng kapitbahay, hindi pa rin ito basta-basta puwedeng putulin ng kapitbahay, ayon kay Atty. Concepcion.

Dapat umanong kausapin niya at ipaalam sa may-ari ng puno ang gagawing pagputol sa sanga na umaabot na sa kaniyang bakuran.

Ang pagkuha ng kapitbahay sa bunga sa puno ng kaniyang kapitbahay nang walang paalam ay maikokonsidera umanong pagnanakaw, na isang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code.

Kung hindi lalampas sa P500 ang halaga ng bunga na kinuha, may multa ito ng P20,000 at kulong ng isa hanggang 30 araw.

Kung ang ninakaw na bunga naman ay lagpas sa P500 at hindi hihigit sa P5,000, may katumbas ito na anim na buwan na pagkakakulong. --FRJ, GMA Integrated News