QUEZON - Malakas na ulan at hangin pa rin ang nararanasan nitong Linggo sa Quezon Province partikular sa mga bayan ng Dolores, Tiaong, San Antonio, Sariaya, Lucena at mga karatig bayan.

Sa bayan ng Dolores ay wala nang supply ng kuryente.

Pahirapan din ang komunikasyon kung kaya’t two-way radio ang ginagamit ng lokal na pamahalaan at mga barangay upang makipag-ugnayan. Nawala ang supply ng kuryente dahil sa masamang panahon dala ng bagyong Aghon.

May ilang poste ng kuryente ang nabuwal.

Maraming lugar sa bayan ng Sariaya ang lubog ngayon sa baha.

Isang barge naman sa bayan ng Mauban ang sumadsad sa shoreline matapos maputol ang mga tali nito dahil da malakas na alon.

May mga bahay sa bayan ng Pagbilao na nawalan ng bubong makaraang tangayin ng malakas ng hangin.

 

 

 

Sa Pagbilao rin ay umapaw na ang Palsabangon River sa Barangay Palsabangon. Inabot na ng tubig baha ang mismong tulay ng tren.

 

 

Maraming residente ang tila sinamantala naman ang baha upang manguha ng mga niyog na inaanod.

Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 nitong alas-onse ng umaga sa hilaga at central na bahagi ng Quezon (Alabat, Perez, Quezon, Gumaca, Lopez, Macalelon, General Luna, Unisan, Pitogo, Plaridel, Agdangan, Padre Burgos, Atimonan, Mauban, Real, General Nakar, Infanta, Sampaloc, Pagbilao, Calauag, Lucban, City of Tayabas, Lucena City, Tiaong, Candelaria, Sariaya, Dolores, San Antonio) pati ang Polillo Islands.

Itong mga bayan na ito ay makararanas ng gale-force winds na may bilis na 62 hanggang 88 km/h sa loob ng susunod na 24 oras.

Nakataas naman ang TCWS No. 1 sa natitirang bahagi ng Quezon Province.

Ang mata ng bagyong Aghon ay nasa vicinity ng Sariaya kaninang alas-10 ng umaga, ayon sa PAGASA.

Ito ay may taglay na hanging may bilis na 75 km/h sa may gitna.

Ayon sa PAGASA, sa Miyerkoles lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Aghon. —KG, GMA Integrated News