Pagdating sa sanglaan at bentahan ng mga gamit ng mga sikat, kilala na sa larangan si Boss Toyo, o Jayson Luzadas sa totoong buhay. Sa magkanong halaga kaya niya bibilhin ang mga orihinal na costume nina Sang’gre Alena at Danaya kung ibenta ito sa kaniya?

Sa Unang Hirit, ikinuwento ni Boss Toyo na nagsimula ang ideya niya ng pagbili ng mga gamit ng mga sikat mula sa panonood ng mga show sa ibang bansa.

“Bakit hindi natin subukan na bigyan ng halaga ‘yung mga gamit ng mga sikat na personalidad natin dito sa Pilipinas,” sabi ni Boss Toyo.

Unang naging customer ni Boss Toyo ang kaibigan niyang singer na si John Roa, na ibinenta ang jacket na ginamit sa isang nag-viral na kanta nito.

May kilala ring experts si Boss Toyo pagdating sa mga lumang barya, antiques, at memorabilia.

Ngunit pagdating sa mga personal na item ng mga artista at celebrities, siya na ang nagbibigay ng sarili niyang assessment.

Ilan sa mga nabili na ni Boss Toyo ang mga rare dolls ni Nora Aunor sa halagang P40,000 kada isa, bato ni Darna na ginamit ni Marian Rivera at ibinenta ni Buboy Villar sa halagang P5,000, at ang Gawad Urian Best Actor trophy ni Jiro Manio sa halagang P75,000.

Ayon kay Boss Toyo, posibleng sa Oktubre na matatapos ang mas malaking shop na kaniyang ipinagagawa para sa mga nabibili niyang memorabilia.

Panoorin sa Unang Hirit kung magkano ang presyuhan ni Boss Toyo sa mga orihinal na Encantadia costume nina Sang’gre Alena at Danaya, na ginampanan nina Karylle at Diana Zubiri, kung ibebenta ito sa kaniya. —VBL, GMA Integrated News