Isang makabagong teknolohiya ang pinag-aaralang buuin ngayon para maisagawa ang kauna-unahang head transplant o paglilipat ng ulo ng tao sa ibang katawan. Alamin kung papaano raw ito magiging posible sa hinaharap.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ang biotechnologist at science communicator na nakabase sa Dubai na si Hashem Al-Ghaili, ang nagpaliwanag tungkol sa naturang konsepto na proyekto ng kompanyang BrainBridge.

Dalawang katawan ang sabay na isasalang sa operasyon: ang katawan ng posibleng donor na maaaring brain dead na, at ang katawan ng pasyente na maaaring may malubhang sakit sa katawan gaya ng cancer o neurodegenerative diseases.

Ang ulo ng pasyenteng may problema sa katawan ang ililipat sa katawan ng pasyenteng deklaradong brain dead na.

Upang maisagawa ang paglilipat ng ulo at hindi napapabayaan ang katawan, gagamitan nila ito ng artificial plasma solution upang matiyak ang oxygen supply sa katawan sa pagsasagawa ng transplant.

“The entire procedure is guided by real-time molecular-level imaging and AI algorithms to facilitate precise reconnection of the spinal cord, nerves and blood vessels,” saad ng BrainBridge.

Iginiit ni Al-Ghaili na nakabase sa mga lehitimong scientific research ang kanilang konsepto.

Posible umanong maisagawa ang kauna-unahang head transplant sa loob ng walong taon.

“In the short term, we expect the project to result in spinal cord reconstruction breakthrough and whole body transplant but in the long-term, the project will expand into areas that will transform healthcare as we know it,” sabi ng BrainBridge.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News