Tadtad ng peklat sa iba't ibang parte ng katawan at nabulag ang dalawang mata ng isang kasambahay na dulot umano ng naranasang matinding kalupitan mula sa kamay ng kaniyang mga amo sa Occidental Mindoro.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabi ng nasagip na kasambahay na si Elvie Vergara, 44-anyos, na mula sa Batangas City, minartilyo din umano siya ng kaniyang amo sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon kay Vergara, taong 2017 siya namasukang kasambahay sa kaniyang mga amo sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Pero taong 2020, nagsimula na raw siyang pagbintangan ng kung anu-ano ng kaniyang mga amo, at nagsimula na rin ang pananakit sa kaniya.
"Yung pong tenga ko panay suntok, suntok noong 2020. Tapos ito pong mata ko ganun po sinuntok-suntok," ani Vergara na dahilan ng pagkabulag ng isa niya mata.
Taong 2021, nakatakas umano si Vergara pero nakita rin siya ng kaniyang mga amo sa barangay hall at ibinalik sa bahay.
Kinuha umano ng kaniyang mga amo ang kaniyang cellphone at ikinulong.
Taong 2022, ang isang mata naman niya pinagsusuntok umano na dahilan para mabulag din.
Pinaghubad din umano siya ng kaniyang amo at minartilyo sa maselang bahagi ng katawan.
"Tapos po pinapalapad yung kamay ko pagkatapos nilang ako pahubarin at pinukpok po tong dalawang kamay ko," ayon pa sa biktima.
Nitong nakaraang June 28, nasagip na si Vergara.
Ayon kay Rosalina Lamoca, head ng PSWDO, Occidental Mindoro, may mga sariwa pang sugat umano si Vergara nang masagip.
Ngayon, may nararamdaman pa ring masakit sa katawan ang biktima bagaman naghilom na ang mga sugat na nag-iwan ng mga peklat sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan.
Sinampahan ni Vergara ng reklamong serious illegal detention at serious physical injuries, at paglabag sa Kasambahay Law ang kaniyang mag-asawang amo.
Sinabi naman ni Senador Francis Tolentino, na kukonsultahin niya ang mga kasamahan niyang senador sa Committee ng Justice and Human Rights, kung dapat silang magsagawa ng pagdinig sa sinapit ni Vergara para makagawa ng kaukulang batas.
Nakatakdang gawin sa piskalya ng Batangas City ang preliminary investigation sa mga reklamong inihain ng kasambahay laban sa kaniyang mga amo.--FRJ, GMA Integrated News
