Isang tindera ang nahablutan ng cellphone habang nagbabantay sa isang bakery sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Bumili pa raw ng tinapay na nagkakahalaga ng P40 ang lalaking suspek. Pagkaabot ng tindera ng tinapay, nagpa-cash in naman daw ang suspek ng P100 sa kaniyang e-wallet.
Pagkabayad ng lalaki, kinuha ng tindera ang cellphone niya at ipinakita ito sa suspek bilang patunay na successful ang transaksiyon.
Kinunan ng lalaki ng litrato ang transaction record pero maya-maya pa ay bigla na nitong hinablot ang cellphone ng tindera sabay takbo.
Nakunan ng CCTV ang mga pangyayari.
Sa kuha ng isa pang CCTV, makikitang umangkas ang suspek sa isang motorsiklo para makatakas.
Ayon sa tindera, naka-face mask ang salarin kaya hindi niya gaanong nakita ang mukha nito.
Ang mas ikinagulat ng may-ari ng bakery, ninakaw rin ng suspek ang halos P7,000 na laman ng e-wallet batay sa mga transaction record.
Nakipag-ugnayan na ang may-ari ng bakery sa kumpanya ng e-wallet para malaman kung kanino naka-rehistro ang contact number. Nai-report na rin ang insidente sa barangay.
Nangako ang mga taga-barangay na mas paiigtingin pa nila ang pagroronda sa lugar na pinangyarihan ng krimen. —KBK, GMA Integrated News
