Ibinalik na sa New Bilibid Prison (NBP) ang nakatakas at muling naaarestong bilanggo na si Michael Cataroja. Habang iniimbestigahan kung paano siya nakatakas, inamin niya na natatakot siya para sa kaniyang kaligtasan sa kaniyang pagbabalik sa loob ng kulungan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Cataroja na tumakas siya sa NBP noong July 7, mas maaga sa lumabas na ulat na July 15 nang mapansin na nawawala siya.
Ayon kay Cataroja, nakatakas siya sa NBP sa pamamagitan ng pagsabit sa ilalim ng truck ng basura.
Nagpanggap din siyang dalaw sa kulungan at minarkahan ang sarili ng "gatepass" gamit ang ballpen.
Nakakulong si Cataroja sa kasong paglabag sa anti-fencing law at may kinakaharap pang kaso ng carnapping.
Nadakip siya nitong Huwebes sa bahay ng kaniyang kapatid sa Rizal. Una rito, inakalang pinatay siya sa loob ng kulungan at itinago ang bangkay.
Nang tanungin kung bakit siya tumakas, sagot niya, "Mali po kasi yung sentensiya sa akin. Iniisip ko kung makakalaya pa ako o hindi na."
Ibinalik na sa Bilibid si Cataroja pero nangangamba siya sa kaniyang kaligtasan sa pagbabalik niya sa kulungan.
"Ayoko na pong bumalik sa Bilibid kasi po mamamatay po ako doon," saad niya.
Paniwala ni Cataroja, galit sa kaniya ang mga kapuwa niya preso dahil sa ginawa niyang pagtakas.
Sa paghahanap noon ng mga awtoridad si Cataroja, binuksan pa maging ang septic tank at may nakitang buto na inakalang sa tao pero sa manok pala.
Nakatanggap din ng maling impormasyon si Justice Secretary Crispin Remulla na nakita na umano ang kaniyang bangkay sa Bilibid na walang ulo. --FRJ, GMA Integrated News
