Nabigo si Alexandra “Alex” Eala laban kay Alycia Parks 6–0, 3–6, 2–6, sa kanilang laban sa Australian Open sa Melbourne. Dahil dito, talsik na ang Pinat tennis star sa singles draw ng Grand Slam tournament.

Sa harap ng crowd na tila home court sa dami ng mga Pinoy na nanood, nagpakita ng matinding laban si Eala na tumagal ng halos dalawang oras.

Sa unang set, nakontrol ni Eala ang laban at winalis si Parks sa 6-0.

Pero bumawi si Parks sa ikalawang set na mabilis na kumamada ng kalamangan sa 3–0. Hindi naman nagpatinag si Eala nakuha naman ang sumunod na tatlong game upang maitabla ang set. Gayunman sandaling napigil lang ang mainit na palo ni Parks, at nakuha pa rin niya ang sumunod na tatlong game para manalo sa ikalawang set.

 

 

Sa ikatlo at deciding set, agad na umabante muli si Parks sa 2–0 bago makapuntos si Eala. Nakabawi ang world No. 99 at nakuha ang kasunod na game. Pero patuloy naman na lumaban si Eala para mapanatiling dikit ang laban sa 3–2.

Ngunit tila nakaipon muli ng lakas si Parks na nakuha ang sumunod na dalawang game para itala ang 5–2 na lamang. Sa huling game, hindi agad isinuko ni Eala ang laban bago tuluyang isinara ng American tennis ace at angkinin ang tagumpay.

Sa kabila ng kabiguan kay Parrks, mapapanood pa rin si Eala sa kompetisyon sa pagsabak niya sa doubles draw, at makakatambal niya ang Brazilian na si Ingrid Martins. Magsisimula ang kanilang laban sa Martes.

Samantala, sunod na kakaharapin ni Parks ang mananalo sa laban nina Karolina Muchova at Jaqueline Cristian.

—FRJ GMA Integrated News