Hindi pa rin tinamaan ang mahigit P215 milyon na jackpot prize sa Superlotto 6/49 draw nitong Linggo, Disyembre 3, 2023. Habang ang premyo naman sa Ultra Lotto 6/58, mahigit P188 milyon na at wala ring nanalo.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na ang lumabas na mga numero sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Linggo ay 03-11-36-16-44-49, at may kabuuang jackpot prize na P188,158,003.80.

Sa Facebook page ng PCSO, inihayag na mayroong 13 mananaya na tumama ng 2nd prize na may premyong P120,000.00.

Samantala, wala ring nanalo sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 12-27-35-09-31-42, at umaabot na sa P215,789,836.60 ang premyo.

Mayroong 57 mananaya ang nanalo ng 2nd prize na may premyong P50,000.00.

Huling tinamaan ang jackpot sa Ultra Lotto 6/58 noong Setyembre 19, 2023 na mahigit P77 milyon ang premyo.

Sa draw ng Ultra Lotto 6/58 noong June 30, 2023, isang mananaya ang nakasolo sa mahigit P366 milyon na premyo nang matamaan niya ang lumabas na mga numbero na 43-58-37-47-27-17.

Samantala, Oktubre 19, 2023, naman nang huling napanalunan ang jackpot sa Superlotto 6/49 na P15,840,000.00.

Pero bago nito, isang mananaya ang masuwerteng nanalo ng mahigit P147 milyon jackpot sa Superlotto 6/49 noong Oktubre 15, na ang lumabas na mga numero ay 47-35-02-13-38-17.-- FRJ, GMA Integrated News