Nasawi ang isang babae matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila. Ang pagpatay, palaisipan sa pamilya dahil wala umanong masamang record sa barangay ang biktima.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang CCTV footage ng covered court ng Barangay 155 mag-8 p.m. ng Miyerkoles.

Mapapanood sa footage ang mga nagtatakbuhang residente na may sinusundang tatlong lalaki na buhat-buhat ang isang duguang babae.

Isa sa mga bumubuhat sa biktima ang bumagsak pa sa sahig dahil sa pagmamadali.

ADVERTISEMENT

Dadalhin sana sa ospital ang babae, ngunit hindi na siya umabot nang buhay.

“Nagsasandok ‘yung anak ko sa gawi roon. Bumili ng sigarilyo ‘yung bumaril, siya ang nag-abot. Ngayon ‘yung anak ko, kakain na, ito ‘yung lamesa nila dito sa tabing pinto. Ayun, niratratan na,” sabi ng ina ng biktima.

Hindi bababa sa 10 basyo ng bala ang nakita sa crime scene.

Ayon sa ina ng biktima, walang nakakaaway o nakakaalitan ang kaniyang anak.

“Napakabait nu’ng anak ko. Walang ginagawa sa inyong masama. Kahit kanino. Sa barangay namin, walang record ‘yan, walang masamang record ‘yan para ganunin. Baka nagkamali lang kayo ng pinatay,” ayon pa sa ina ng biktima.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na umangkas ang suspek sa isang motorsiklo at tumakas papunta ng Jose Abad Santos Avenue.

Patuloy ang pagsasagawa ng pulisya ng backtracking sa gunman.

Aalamin din ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News