Isang lalaki ang binaril sa Bacoor, Cavite dahil umano sa masamang tingin, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes.
Naganap ang pamamaril nitong Miyerkules ng umaga at masuwerteng nakaligtas ang biktima, na tinamaan ng bala sa kanang braso na tumagos sa kanang bahagi ng kaliwang hita.
"Sa may harap ng tindahan, 'yung victim ay nandoon, biglang dumaan doon si suspek. Nakita ni suspek na nakatingin nang masama sa kaniya si victim, bigla itong bumaba sa sinasakyan niyang motor at pinaputukan niya si victim," kuwento ni Police Major Renalyn Lim, deputy chief of police ng Bacoor City Police Station.
Bago raw tumakas ang suspek ay tinangka pa ulit nitong barilin ang biktima pero nag-jam ang baril nito.
"Humingi ng tulong itong si victim doon sa may-ari ng tindahan pagkabaril sa kaniya... After niyang mabaril itong si victim, pumunta siya doon sa pinaka-leader nila, doon sa kabalikat, doon siya nag-ano... parang sumuko na," ani Lim.
Maayos na ang kondisyon ng biktima ngayon habang nasa kustodiya na ng Bacoor Police ang suspek.
"Binaril ko ho siya kasi binunutan ho niya ako ng baril, inagaw ko, kaysa ako 'yung mamatay, ipinutok ko sa kaniya. Pag-agaw ko pinutok ko na agad, kaysa ako ang mamatay kawawa naman ang anak ko. Eh sila wala naman siyang pamilya, wala siyang anak. Tambay lang lagi sila diyan sa amin," pahayag ng suspek.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang biktima tungkol sa paratang ng suspek.
Na-inquest na ang suspek na sinampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Frustrated Murder. —KBK, GMA Integrated News
