Namatay dahil sa tama ng bala ng baril nitong Miyerkules sa Compostela Valley, Davao de Oro ang lalaking Philippine eagle na si "Mangayon."  

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng Philippine Eagle Foundation (PEF), na pumanaw si “Mangayon” dulot ng pagkaubos ng dugo dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa kaliwang pakpak. May mataas na posibilidad din ng sepsis bunga ng kaniyang sugat na tinamo.

Isang sundalo ng Philippine Army na nagpapatrolya ang nakakita sa nanghihina at sugatang agila sa Barangay Mangayon.

Nang ilipat si Mangayon sa pangangalaga ng PEF, "unresponsive" na ang agila at "partially dilated" ang kanang mata.

Habang ibinibiyahe, sumuka rin ang agila.

Sa resulta ng necropsy, nakitang malusog si Mangayon at maayos ang kondisyon ng kaniyang internal organs.

Ayon sa PEF, si Mangayon ang ika-apat na biktima ng pamamaril ngayong 2024. Ang ibang agila ay sina “Lipadas” sa Mt. Apo, “Kalatungan” sa Bukidnon, at “Nariha Kabugao” sa Apayao.

“This is the 20th case of eagle rescue since 2020, or a rate of 5 birds per year, which remains high,” ayon sa PEF.

Sa website, inihayag ng PEF na ang Philippine eagle “is considered to be one of the largest and most powerful among forest raptors. They are also listed as critically endangered by the International Union for Conservation of Nature (IUCN) with an estimated number of only 400 pairs left in the wild.”

Nanawagan si PEF executive director Dennis Salvador ng agarang pagpapatupad ng programa para sa pangangalaga ng naturang uri ng agila.

“But we would mostly need LGU and national government actions and investment. The civil society sector can only do so much. We need government political will and action. There should also be additional financing to a systematic and nationwide species survival campaign before it’s too late for our national bird,” ayon kay Salvador. —FRJ, GMA Integrated News