Inihayag ni outgoing Senator Cynthia Villar ang plano niyang tumakbong alkalde o kongresista ng Las Piñas City sa Eleksyon 2025. Ang anak naman niyang si Representative Camille Villar ang kakandidatong senador.

"I want to run for mayor kaya lang may other considerations. So we'll see," sabi ni Villar sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkoles.

Ayon pa sa senadora, nais ng asawa niyang si dating Senate President Manny Villar, na tumakbo na lang siyang kongresista para pumalit sa mababakanteng posisyon ng kanilang anak na si Camille.

Sinabi ni Villar na magdedesisyon siya sa Oktubre na panahon ng paghahain ng kandidatura kung anong posisyon ang kaniyang tatakbuhan.

"[In] the end ako rin ang magde-decide," saad ng senadora. "Alam mo minsan pag nagdedecide kayo, you decide in a manner na parang wise. You make wise decision... Di naman kami emotional about this."

Kung tatakbong alkalde, posibleng makalaban ni Villar ang kaniyang pamangkin na kasalukuyang bise alkalde ngayon ng lungsod na si April Aguilar.

Si April ay anak ng kasalukuyang alkalde na nasa huling termino na si Imelda Aguilar, na asawa ng namayapa at dati ring alkalde ng Las Piñas na si Nene Aguilar, na kapatid ni Cynthia Villar.

Ayon kay Villar, hindi niya kakausapin ang mga Aguilar para umatras para sa kaniya. Isang kamag-anak naman nila ang tatakbo sa pagka-kongresista kung posisyon ng alkalde ang kaniyang tatakbuhan.

"Di kasi ako kumakausap nang ganon eh. Lumapit sila sa akin, hindi ako [ang] lalapit sa kanila," paliwanag ni Villar na matatapos ang ikalawang termino bilang senador sa 2025.

Samantala, sinabi ni Villar, na walang balak ang kaniyang asawa na si Manny na bumalik sa pulitika.

"Not in his wildest imagination. Happy [na] happy siya sa kaniyang business," anang senadora.

Tumakbong pangulo ng bansa si Manny noong Eleksyon 2010 na si dating Senador Benigno Aquino III ang nanalo.-- mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News