Isang lalaking nawala ng 12 oras nang mahulog sa ilog sa Ortigas Avenue Extension, Cainta, Rizal sa kasagsagan ng pananalasa ng Tropical Storm Enteng ang nakaligtas.
Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, sinabing nangongolekta ng basura noon si Randy nang madulas sa ilog at tangayin ng rumaragasang tubig
Lunes nang ipagbigay-alam ng Rizal Rescue sa Super Radyo DZBB na nawawala na Randy matapos lumubog kasama ng mga basura at hindi na lumutang pa.
Ipinagbigay-alam din sa Rizal PDRRMO at Philippine Coast Guard ang pagkawala ni Randy.
Ngunit matapos ang 12 oras, nakita siyang ligtas. Na-trap pala siya sa ilalim ng tulay.
"Noong una talaga kinabahan po ako, talagang hindi ko na po alam ang gagawin ko, takot na takot ako pero pinaglabanan ko na lang 'yung takot ko kasi para maka-survive ako. Talagang nagdasal na lang po ako noong huling huli na. Lahat ng kapitang bagay na [hinahawakan ko] nalalaglag po eh," salaysay ni Randy.
"Kaya no choice na ako na, 'Diyos ko, katapusan ko na po ba? Kung katapusan ko na, patawarin mo ako Lord.' Dasal na lang ang pinanghahawakan ko kasi wala na, walang nakakarinig sa akin saka ang dilim," pagpapatuloy niya.
Ayon kay Randy, nanatili siya sa ilalim ng tulay na madilim noon, walang nakaririnig sa kaniya at puro mga inaanod na basura lang ang makakapa.
Hanggang sa may nadampot siyang kahoy na kaniyang ginawang proteksiyon para hindi siya mangalay mula sa ilalim. May nakapitan din siyang kapirasong bakal at dito niya itinali ang kaniyang damit para hindi siya mangalay at tuluyang tangayin.
Noong pababa na ang tubig, kinapa niya ito ng kaniyang paa para matantiya kung maaari na siyang bumaba.
"Noong makakita na ako ng liwanag, doon na ako nag-decide kasi lahat ng sinandalan ko, nalaglag na, tinangay na ng ilog," sabi niya.
"Masayang masaya po ako hindi ko po maipinta 'yung nararamdaman ko kasi pangalawang buhay ko na. Parang, 'Lord, salamat po na hindi Ninyo ako pinabayaan.' Wala akong pinanghawakan kundi Diyos na lang, Diyos lang talaga 'yung kakampi ko," dagdag niya.
Pagkalabas ni Randy, nakita niya ang kaniyang asawa at mga kaanak na tila nawalan na ng pag-asa na mahanap siya.
"Nagulat pa nga siya noong makita niya ako. In-expect niya wala na, lahat ng pamilya ko in-expect kasi 12 hours na akong nawawala, 'missing' na ako."—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
