Inakusahan ni Vice President Sara Duterte sina House Speaker Martin Romualdez at House appropriations committee chair at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, na kinokontrol nila ang alokasyon ng national budget. Pero hirit ni Co, "budol" o panloloko ang bintang dahil maraming mambabatas ang tumatalakay sa taunang budget, kasama ang mga senador.

“Ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao. Hawak lang siya ni Cong. Zaldy Co at ni Cong. Martin Romualdez. ‘Yan ang katotohanan,” sabi ni Duterte sa kaniyang ikalawang recorded video interview na ibinahagi ng Office of the Vice President sa mga mamamahayag.

Nitong Martes, hindi sinipot ni Duterte ang pagdinig ng House appropriations committee, na humihimay sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon.

Ipinahiwatig ni Duterte na ang pagkontrol nina Romualdez at Co sa national budget ang dahilan kaya hindi niya sinasagot ang mga katanungan ng mga mambabatas tungkol sa paggamit niya ng pondo sa nagdaang taon.

Ito rin umano ang dahilan kaya siya nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education nitong nakaraang Hunyo.

Ayon kay Duterte, sa taong 2023 budget, nagkakahalaga ng P5 bilyon ang inaprubahan na classroom construction sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Ngunit nang matapos ang deliberasyon at lumabas na ang pinal na bersiyon ng General Appropriations Act (GAA), lumobo ang alokasyon sa pagpapagawa ng mga silid-aralan sa P15 bilyon.

“Sa Department of Education noong taong 2023, mayroong P5 billion na in-approve para sa classroom construction. Nagulat ako kasi mayroong mga lumapit na miyembro ng House na humihingi. Hinihingi nila ‘yung P5 billion—parte ng P5 billion na budget,” ani Duterte.

BASAHIN: COA: DepEd, sablay sa mga target noong 2023; pangako ni Angara: 'We will change the system

“Kaya kung makikita ninyo sa budget proposal na approved ng Office of the President, P5 billion ‘yon. Pero noong lumabas ‘yung GAA o ‘yung budget approved noong 2023, naging P15 billion siya... dinagdagan nila ng P10 billion ‘yung classroom construction ng Department of Education,” dagdag niya.

“‘Yung P10 billion na ‘yon hindi kontrolado ng Department of Education. Controlled ‘yun ni Cong. Zaldy Co at Cong. Martin Romualdez," sabi ng pangalawang pangulo.

"Hindi ko na kailangan ng corroborative witness dito dahil makikita ninyo ‘yun sa papel. Makikita ng taumbayan ‘yun sa papel. NEP, P5 billion. Lumabas ang budget approved, P15 billion,” giit niya.

Nangyari rin umano ang dagdag na pondo sa 2024 budget ng DepEd na ang P19 bilyong alokasyon sa classroom construction ay naging P24 bilyon.

 'Budol'

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Co na walang katotohanan ang alegasyon ni Duterte tungkol sa pagkontrol sa budget.

“Unang-una, again pambubudol na naman po 'yan. Napakalaking pambubudol. Hindi po totoo iyan,” sabi ni Co sa mga mamamahayag.

Ipinaliwanag ni Co na mayroong 139 na kongresistang miyembro sa House appropriations committee na humihimay sa hinihinging pondo ng bawat ahensiya.

Bukod pa rito ang gagawing pagtalakay ng mahigit 300 kongresista na kasapi sa Kamara de Representantes kapag sumalang na sa plenaryo.

Idinagdag pa niya na sinusuri din ng 24 na senador ang taunang budget ng pamahalaan.

“After our respective deliberations, there’s also a bicameral conference committee [deliberations] which is composed of 30 members from the House and the Senate,” paliwanag pa ni Co.

Binatikos ni Co ang hindi pagsipot ni Duterte sa budget deliberations ng kaniyang pondo dahil sa pag-iwas na sagutin ang mga tanong ng mga kongresista.

“She keeps on saying, 'I will defer to the wisdom of Congress,' pero hindi naman totoo. Kasi kung totoo ito, sasagutin niya ang mga tanong ng mga mambabatas – lalo na sa isyu ng confidential funds," giit ni Co.

"Naalala ko last year, kinausap namin si VP Sara at kanyang mga trusted aides tungkol sa 2024 budget. Sinabi niya noon 'ituloy niyo ya' – meaning yung confidential funds –  dahil kaya daw niya i-justify," sabi pa ni Co.

"Mabuti na lang at hindi namin itinuloy, kung hindi magsisisi kami dahil ang pondo ng taumbayan ang pinag-uusapan dito,” patuloy niya.—mula sa ulat nina Giselle Ombay, Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News