Natunton ng pulisya ang 38-anyos na lalaki na wanted sa panggagahasa umano sa bunso niyang anak sa isang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan.

Subject ang lalaki ng warrant of arrest para sa 4 counts ng qualified statutory rape.

Ayon sa pulisya, mailap ang lalaki at nagtago pa ng ilang buwan nang lumabas ang arrest warrant. 

August 2021 nang mangyari umano ang krimen.

Sinundo raw ang 8-anyos na biktima ng tiyahin para magbakasyon sa Bulacan.

“Ang nanay po niya at ang kanyang tatay separated na. Ang nangyari po sinundo po siya ng tiyahin niya para magbakasyon sa kanilang probinsya sa Bulacan at doon po nangyari habang nasa puder po siya ng kanyang ama ay paulit ulit po siyang pinagsamantalahan. Nagfile po sila ng kaso nung malaman po ng kanyang nanay ang mga nangyari,” ani Police Lt. Col. Francis Siriban, ang station commander ng Pasong Putik Police.

Una sa most wanted persons list ng pulisya ang naarestong lalaki. 

Nakakulong siya ngayon sa Pasong Putik Police Station.

“Wala po ako masasabi doon sir. Hindi ko po ginawa ‘yon,” depensa ng naarestong lalaki. 

Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa return of warrant.—LDF, GMA Integrated News