Kahit naging maganda ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa huling tatlong buwan ng 2024, hindi pa rin ito naging sapat para maabot ng gobyerno ang target na paglago ng bansa sa buong taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa impormasyon mula sa PSA nitong Huwebes, lumabas na nasa 5.2% ang naging paglago ng ekonomiya para sa ikaapat na quarter ng 2024, na kapareho ng ikatlong quarter, at mas mabagal kumpara sa 5.5% noong parehong quarter ng 2023.
Dahil dito, naitala sa 5.6% ang kabuuang paglago ng ekonomiya sa buong taon ng 2024, na bagaman bahagyang mas mabilis sa 5.5% economic growth rate ng 2023, hindi naman naabot ang itinakdang target range ng gobyerno na 6.0% hanggang 6.5%.
Ito na ang pangalawang sunod na taon na hindi naabot ng Pilipinas ang target nito na paglago ng ekonomiya. Noong 2023, nasa 6.0% hanggang 7.0% ang target range ng gobyerno para sa nasabing taon, pero lumago lang ang ekonomiya ng 5.5% .
Nalampasan naman ang target growth ng bansa noong 2022 na nakapagtala ng 7.6%,
Para sa 2024, naging pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa rehiyon, kasunod ng Vietnam at China, habang sumunod naman sa Pilipinas sa pang-apat na puwesto ang Malaysia.
Iniuugnay ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbagal sa paglago ng ekonomiya dahil sa mga usapin na walang kontrol ang gobyerno gaya ng mga kalamidad at geopolitical tensions.
“In 2024, we faced numerous setbacks like extreme weather events, geopolitical tensions, and subdued global demand similar to the challenges we encountered in 2023. This suggests that these conditions may represent the new normal,” ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa press briefing nitong Huwebes.
Batay sa mga sektor, nagkaroon ng paglago sa services grew at industry pero bumagsak sa agriculture sector, na hindi rin naabot ang sariling target growth ng Department of Agriculture.
“The agriculture sector in particular faces several setbacks, particularly between late October until mid-November, when six typhoons struck the country in succession,” sabi ni Edillon.-- mula sa ulat ni Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ, GMA Integrated News

