Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang kabilang sa 67 nasawi sa banggaan sa ere ng isang passenger jet at isang Black Hawk chopper, at bumagsak sa ilog sa Washington, USA.

Sa pulong balitaan nitong Biyernes, kinilala ni PNP Public Information Office acting chief Police Colonel Randulf Tuano, ang nasawing opisyal na si PNP Supply Management Division chief Police Colonel Pergentino Malabed, Jr.

Nasa official travel umano si Malabed sa Amerika para sa pre-delivery inspection ng 2,675 units ng bibilhing all-purpose vests ng PNP.

“PCOL Malabed was on official travel at the time of the incident, fulfilling his duty as a dedicated police officer—committed to the service of protecting and securing both the PNP and the nation. His untimely passing is a profound loss to the PNP, where he served with honor, integrity, and dedication throughout his career,” ayon sa PNP.

“We extend our deepest condolences to his bereaved family, loved ones, and colleagues. The PNP is committed to providing them with all necessary support during this difficult time,” dagdag nito.

Ayon kay Tuaño, Enero 22, nang umalis si Malabed, kasama ang isang non-commissioned officer at isang non-uniformed personnel patungong India para sa pre-delivery inspection ng mga vest.

Matapos nito, kumuha umano si Malabed ng limang vest at nagtungo sa Amerika para sa pagsusuri sa mga vest noong Enero 27.

Magtutungo rin ang opisyal sa Kansas para sa exit call sa Police Attache sa Washington D.C. na si Police Colonel Moises Villaceran, sabi pa ni Tuaño.

Galing sa Kansas ang eroplano at palapag sa paliparan ng Reagan Washington National Airport nitong Miyerkules ng gabi nang makabanggaan sa ere ang chopper ng US military.

Batay sa unofficial report mula sa Office of the Police Attache sa Washington D.C., nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Malabed sa February 2 at bibisitahin ang kapatid sa South Carolina.

“However, PCOL MALABED decided to travel to South Carolina via Ronald Reagan Washington National Airport to visit his brother,” saad sa ulat.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng katawan ni Malabed sa passport na nakita rito. Gayunpaman, pupunta ng US ang kaniyang asawa para personal na kilalanin ang katawan ng opisyal.

Samantala, wala pang malinaw na dahilan na nakikita ang mga awtoridad sa U.S. kung bakit nagbanggaan ang passenger jet U.S. Army helicopter.

Idineklara na ng mga awtoridad na walang nakaligtas sa mga sakay nito.

Nakuha na ng mga imbestigador ang tinatawag na "black boxes" ng eroplano na inaasahang makatutulong sa gagawing imbestigasyon. Mayroong 60 pasahero ang American Airlines Bombardier jet at apat na four crew.  — mula sa ulat nina Joviland Rita/Joseph Morong/Reuters/FRJ, GMA Integrated News