Sampung pulis--kabilang ang station commander ng Tipas Police Substation-- ang sinibak sa puwesto dahil sa ilegal umanong pagsisilbi ng search warrant sa bahay ng isang babae sa Taguig City. Ang naturang insidente, nahuli-cam at nag-viral sa social media.Sa ulat ni Nico Waje sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage ang mga nakasibilyang lalaki na nagpakilalang pulis na pumasok sa bahay na may tindahan ng babaeng biktima.Isinisilbi umano ng mga pulis ang search warrant laban sa babae na nakasuhan noon tungkol sa ilegal na droga. Pero napawalang-sala ang babae at nakalaya noong 2022."Bale base po sa imbestigasyon po natin at personal ko rin pong nakausap 'yung biktima, lumalabas po na wala pong warrant o walang authority 'yung mga pulis na pumasok sa bahay nila,” ayon kay Taguig City Police chief Police Colonel Joey Goforth.Sinabi rin ni Goforth na may intensyon ang mga pulis na humingi ng pera sa biktima para hindi sila arestuhin.Nakita rin sa CCTV footage na hinablot ng mga pulis ang ilang tao sa tindahan, kabilang ang isang menor de edad na lalaki."Pagdating ko nga po nagsisigawan na po mga kapatid ko. Tapos nakita ko po may mga pulis sa bahay, mga naka-jacket po. Sabi ko, 'Ano po'ng ginagawa ninyo sa bahay namin? Bakit po ganiyan? Bakit sinira ninyo po ang mga CCTV namin? Ano pa pong panlaban namin?,” ayon kay Ren, 'di niya tunay na pangalan."Tapos sabi nila, 'Eh ayaw ninyong tumigil eh. Ang daming nagtuturo sa inyo, ganiyan.Nagbebenta raw kayo ng ano,” sabi umano sa kaniya ng pulis.Nagsumbong din umano ang isa nilang kasama sa bahay na sinaktan siya ng pulis."Namimilipit po halos hindi na makalakad. Hindi ko na po alam gagawin ko, kasi sabi niya, 'Pa, sinikmuraan ako ng mga pulis,” ayon kay Ren.Inihayag ni Southern Police District (SPD) spokesperson Police Major Hazel Asilo, na may mga paglabag na ginawa ang mga pulis sa kanilang patakaran sa pagsisilbi ng warrant."Unang-una po may violation na po agad 'yung ating mga nagse-serve ng warrant kasi dapat po, nagpakilala sila kung sino sila at saka po dapat naka-uniform po sila 'pag sine-serve, ini-implement natin 'yung search warrant. Nakita natin na nagkaroon ng abuse doon sa kanilang pagse-serve,” ani Asilo.Ayon kay Ren, noong Pebrero 2, dinakip din ng mga pulis ang kaniyang kapatid dahil umano sa ilegal na droga at ilegal na pag-iingat ng baril."Sabi po sa ate ko, kung may P25,000 daw po ang ate ko, makakalaya raw po ang kuya ko. Maaareglo daw po,” kuwento ni Ren.Pero wala umano silang naibigay na pera kaya nakadetine pa rin ngayon ang kaniyang kapatid.“Tapusin lang po namin ito na i-file at bubuksan po namin ang kaso 'yung nababanggit nila na sinabi na naaresto po 'yung anak nila at allegedly nagha-haggle sila ng price para pakawalan po,” pagtiyak ni Goforth.Mahaharap ang mga pulis na inalis sa puwesto sa reklamong grave abuse of authority, ayon sa pulisya.Wala pang pahayag ang mga sangkot na pulis.— may kasamang ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News