Arestado ang isang lalaki matapos mag-viral ang kaniyang mga larawan sa social media na sumasampa sa mga pampasaherong jeep sa Maynila para mamalimos. Pero kapag hindi nabigyan ng pera, nanunutok na siya ng ice pick sa mga pasahero.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui, Chief, MPD- Intelligence Division, na modus ng suspek na mamili ng mga jeep na babae ang karamihan sa mga pasahero upang doon manghihingi ng limos at maninindak gamit ang ice pick kapag hindi nabigyan ng pera.
Sa tulong ng mga tauhan ng barangay, naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa Severino Street, at nakuha ang ice pick na ginagamit niyang panutok sa mga pasahero.
Sa loob ng piitan sa police station, ipinaliwanag ng suspek na nagawa niya ang krimen para may maibigay umanong pera sa bago niyang nobya.
Napag-alaman na dati nang nakulong ang suspek sa mga kasong ilegal na pagsusugal at paggamit ng ilegal na droga.
Nagpaalala naman si Guiagui sa publiko na ipagbigay-alam sa pulisya ang mga katulad na insidente upang maaksyunan kaagad nila.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News
