Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos masaksak sa bahagi ng Aroma compound sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng hapon.
Ayon sa pulisya, pinagtulungan ng apat na magkakapatid ang biktima.
Base sa imbestigasyon, nagtungo sa bahay ng suspek ang biktima kasama ang live-in partner nito.
Hinahanap umano nila sa isa sa magkakapatid ang isang babae na hindi tiyak ang pagkakakilanan.
Maya-maya, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima hanggang sa magkainitan ang dalawa.
Dito na lumabas ang tatlong kapatid ng suspek at pinagtulungang hawakan ang biktima.
Pagkatapos ay naglabas ng patalim ang suspek na una nang nakaaway ng biktima at itinarak sa kanyang likod ang patalim.
Nakatakbo pa palayo ang biktima at sinubukan siyang isugod sa ospital ng kanyang kinakasama.
Pero hindi na umabot ng buhay ang biktima.
Habang mabilis naman tumakas ang magkakapatid.
Ayon sa Nanay ng biktima, hindi malinaw ang motibo sa krimen ngunit aminado siya na nagbebenta noon ng ilegal na droga ang kanyang anak.
Problema niya ngayon ang gastos sa punerarya ng kanyang anak.
Sabi naman ng mga awtoridad, patuloy pa ang kanilang follow up operation para mahuli ang magkakapatid na suspek.
Nakatakda silang maharap sa reklamong murder. — BAP, GMA Integrated News