Nagbitiw sa kaniyang puwesto si Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, na tinanggap na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ayon sa Malacañang nitong Huwebes.

Si Uy ang ikatlong kalihim sa administrasyong Marcos ang nagbitiw sa kanilang mga puwesto mula noong nakaraang Pebrero.

Kabilang sina dating Department of Transportation (DOTr) Jaime Bautista na pinalitan ni Vince Dizon, at
si dating Presidential Communications Office (PCO) chief Cesar Chavez, na pinalitan naman ng dating broadcast journalist na si Jay Ruiz.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, magtatalaga muna ng officer in charge sa DICT hanggang sa makapili ng opisyal na bagong kalihim si Marcos sa naturang kagawaran.

Walang binanggit na dahilan sa pagbibitiw ni Uy, na naging kalihim ng DICT noong June 2022. 

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Castro na sinusuri ni Marcos kung kailangang magpalit ng mga pinuno sa kagawaran at mga ahensiya.

Inihayag ito ni Castro nang tanungin sa isang Palace press briefing kung totoo na magkakaroon ng pagbabago sa liderato ng Presidential Security Command (PSC) at DICT.

“The President is still evaluating if there’s a need for a change of leaders in each department. So, wala pa po tayo; under evaluation pa po lahat,” ani Castro

Kamakailan lang, inalis sa kaniyang puwesto si Major General Jesus Nelson Morales bilang commander PSC, at itinalaga si Brigadier General Peter Burgonio bilang acting commander.– mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News