Isang matinding kalaban ang hadlang sa landas ni Alex Eala sa pagpapatuloy ng kaniyang kampanya sa 2026 Dubai Tennis Championships.
Makakaharap ng Filipina tennis ace ang beteranang si Jasmine Paolini ng Italya sa Round of 32 na nakatakda gawin sa ganap na 12:10 ng madaling araw ng Miyerkules (oras sa Maynila).
Ito ang unang pagkakataon na maghaharap ang dalawa sa WTA stage.
Kasalukuyang ranked No 8 sa Women's Tennis Association (WTA) ang 30-anyos na si Paolini, at may career-high na No. 4 noong 2024.
Isa siya sa pinakamatagumpay na manlalaro sa draw, taglay ang tatlong singles titles at 10 tropeo sa doubles.
Isa sa kaniyang pinakahuling titulo ay sa 2025 Italian Open, kung saan tinalo niya si Coco Gauff sa iskor na 6-4, 6-2 sa finals upang maging kauna-unahang Italyana na nagwagi sa naturang torneo sa loob ng 40 taon.
Nakakuha si Paolini ng bye sa opening round at makakatunggali ngayon ng sumisikat na 20-anyos na Filipina tennis player.
Determinado ang Italyana na malagpasan ang pambato ng Pilipinas, habang hangad niyang maulit ang tagumpay dalawang taon na ang nakalilipas nang mapanalunan niya ang Dubai Tennis Championships noong 2024, sa iskor na 4-6, 7-5, 7-5 laban kay Anna Kalinskaya sa finals.
Umaasa naman si Eala, na makapagpapatuloy pa siya sa kaniyang kampanya sa Middle East, bago tumungo sa Amerika para sa Sunshine swing sa Marso.
Una nang nalampasan ni Eala sa Round of 64 si Hailey Baptiste ng Amerika, matapos na hindi na naipagpatuloy ang laro dahil sa injury. —Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News

