Dahil sa impluwensiya ng mga Tsino, hindi na mawawala sa handaan--maging ng mga Pinoy--ang pansit o noodles. Bakit nga ba mabuting ihanda ang noodles sa mga okasyon gaya ngayong Chinese New Year? At saan naman kaya matitikman dito sa Metro Manila ang “nakalutang” na noodles? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing nangangalakal na ang mga Tsino sa ilang bahagi ng Pilipinas noong 900s pa lamang gaya sa Maynila. Kaya naman maraming Tsino ang naninirahan sa Binondo, na itinuturing na “oldest Chinatown in the world.”
Tuwing Chinese New Year sa Binondo, hindi na mawawala sa handa nila ang mga pagkaing Tsino, tulad ng iba't ibang klaseng noodles na puwedeng gisado, o may sabaw.
“Ang noodles po kasi always represents for long life. 'Yung gusto po kasi natin kasabihan, hindi lang po siya for good health as long life, ibig sabihin pati 'yung suwerte niyo, hindi napuputol, tuloy-tuloy po siya from the beginning to the end,” sabi ng Feng Shui and Chinese expert na si Johnson Chua.
“Kaya napakaganda po itong inihahain natin tuwing Chinese New Year, kasi ito po 'yung unang araw,” dagdag niya.
Para makipagsabayan sa mga makabagong gimik, isang kainan naman sa Pasig ang pinupuntahan dahil sa iniaalok nitong Flying Noodles, o Magical Floating Pancit.
Ayon kay Charlemagne Lim, pure Chinese pero lumaki sa Pilipinas, at owner ng Bistro Charlemagne, naisip niya ang konsepto ng flying noodles nang minsan siyang magbakasyon sa Hong Kong.
Para mas sumikat pa ang paborito niyang noodles, gumagamit sila ng mga wok at pugon mula sa China at Hong Kong para sa pagluluto ng Flying Noodles.
Hilaw na Vietnamese Noodles ang gamit nila, at mantika ang sikreto para lumutang ang kanilang noodles.
Nagkakahalaga ang Flying Noodles ng P625 per order.
“Nakahiligan ng mga Pinoy 'yung noodles, dala ng mga Tsino, so bago pa dumating 'yung mga Kastila, meron nang ugnayan ang mga Pilipino at ang mga Tsino. Kaya sa lahat ng mga events, hindi puwedeng mawala 'yung pansit,” sabi ni Professor Melanie Turingan, historian sa UST.
Tunghayan sa video ng “I-Juander” kung papaano ginagawa ang floating noodles. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
