Bukod kay Raymon Gumangan, apat pang Pinoy mercenary na nakipaglaban umano para sa Russia ang nasa kustodiya ngayong ng Ukraine bilang prisoners of war, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ulat ni Dano Tincungco sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing lima na ang hawak na kahilingan ng DFA kaugnay sa mga Pinoy mercenary pero hindi na sila nagbigay ng iba pang impormasyon tungkol dito.

“In addition to that, there is the case of Mr. Raymon Gumangan, who is a confirmed prisoner of war in Ukraine. Recently, it was also confirmed that one Filipino has died," ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona.

"The DFA has already spoken with the family, but we will not be able to share details at the request of the family,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Escalona, may iba’t ibang impormasyon na natatanggap ng DFA kung papaano na-recruit ang mga Pinoy.

“We can’t really share the details, but we are hearing different stories. What we are saying is that everyone should be careful regarding overseas employment offers,” paalala niya.

Una rito, hiniling ni Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na tulungan si Gumangan na makalaya mula sa pagkakabihag ng Ukraine.

Ngunit ipinaliwanag ng DFA na komplikado ang sitwasyon ng mga naturang Pinoy dahil hindi bahagi ng kaguluhan sa Ukraine ang Pilipinas.

“Any release or repatriation of a prisoner of war is subject to agreements between parties to the conflict. Nevertheless, we are exploring all avenues to assist him,” saad ni Escalona.

Ipinaalam na rin umano ng DFA sa parehong pamahalaan ng Ukraine at Russia ang sitwasyon ni Gumangan.

Nagpaalala rin ang DFA sa mga Pinoy na maging maingat sa pagtanggap ng trabaho sa abroad na nakikikitang iniaalok online.

“Again, we need to be very careful about online employment offers. Legally, we have a deployment ban in Ukraine. In Russia, there is no deployment ban,” ani Escalona.

Nakipag-ugnayan na si Tulfo kay Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv para sa kaso ni Gumangan. Nangako naman ang embahador na tutulong para maiparating ang kahilingan ng bansa at pamilya ni Gumangan.—FRJ GMA Integrated News