Labing-limang sasakyan na kinabibilangan ng 14 na motorsiklo at isang kotse ang inararo ng isang MPV o multi-purpose vehicle, na minamaneho ng isang pulis sa Taguig City nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB ngayong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Cayetano Boulevard sa Barangay Tuktukan, nang mawalan umano ng preno ang MPV.

Nakatalaga ang driver na pulis sa PNP Aviation Security Group, at nasa kustodiya na siya ngayon ng Taguig City Police Traffic Bureau.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nawalan umano ng preno ang MPV kaya kinabig ng pulis ang manibela pakanan pero nahagip niya ang mga nakahilerang mga sasakyan.

Nagtamo ng minor injuries ang ilang biktima pero may mga sasakyan na labis na napinsala.

Sinabi sa ulat na hindi na kakasuhan ng mga biktima ang pulis matapos na mangako umano ito na sasagutin ang gastos sa nangyaring sakuna.—FRJ GMA Integrated News