Buwis-buhay ang ginagawa ng ilang estudyante, na tila mga langgam na dumadaan sa gilid ng bundok para makapasok lamang sa kanilang paaralan sa Talisay City, Cebu. Ano nga ba ang nangyari sa kanilang lugar para gawin ang delikadong paglalakbay at ano ang aksyon na gagawin ng lokal na pamahalaan?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang mga tao sa magkabilang dulo ng pila na binubungkal ang lupa sa gilid ng bundok para gawan ng madadaanan ang mga batang estudyante na nasa gitna nila.

Pauwi na noon mula sa eskuwela ang mga estudyante, pero hindi sila makatawid dahil sa malakas na agos ng ilog dulot ng malakas na ulan. Naisip nilang pinakamabilis na paraan ang pagdaan sa gilid ng na bundok para sila makauwi.

Mga nakatira sa Barangay Camp 4 ang mga nakuhanan sa viral video.

Ang jeepney driver na si Fernando Bonghanoy naman ang nasa video na kasama ng mga mag-aaral habang binabaybay ang gilid ng bundok.

Namamasada si Fernando noong hapon ng Pebrero 9 nang biglang sumama ang panahon. Kaya agad-agad siyang nagpunta sa eskuwelahan para sunduin ang 10-anyos niyang anak na si Meriel.

Aabot lamang ng 15 minuto ang pinakamabilis nilang daan pauwi, pero buwis-buhay naman ang kailangan nilang daanan sa gilid ng bundok.

“Tiningnan ko muna 'yung lupa dito sa gilid ng bundok. Nakita ko medyo matigas naman 'yung lupa, kaya gumawa ako ng daan,” paliwanag ni Fernando, na tinulungan na rin kalaunan ng kaniyang mga pamangkin.

Hindi naman itinanggi ng anak niyang si Meriel na matakot dahil sa lalim ng kanilang babagsakan.

“Ngayon pa lang ako nakadaan doon. Natakot ako kasi pagilid ‘yung daan. Humawak ako kay Papa,” sabi ni Meriel Bonghanoy, anak ni Fernando.

Ngunit makalipas ang 15 minuto, ligtas silang nakababa.

Nasanay man ang mga taga-Camp 4 sa ganitong buhay, alam nilang sa tuwing ginagawa nila ito, nasa hukay na ang isa nilang paa.

Oktober 2024 nang pinagawan ng kanilang sitio ang isang hanging bridge. Ngunit makalipas lamang ang halos 11 buwan sa paghagupit ni Bagyong Tino, bumigay ang tulay nitong Nobyembre.

Sinabi ni Fernando Bonghanoy, Principal ng Camp 4 Elementary School, nagbibigay sila ng mga module kapag hindi nakapapasok ang kanilang mga mag-aaral.

Matapos namang mag-viral ang video nina Fernando, agad na ipinagbawal ng pamunuan ng barangay ang pagdaan sa gilid ng bundok.

Gayunman, may ilang residente pa ring nangahas na baybayin ang gilid ng bundok, gaya ng natiyempuhan ng KMJS na isang babae at isang lalaki na si Jay-R Navasca.

Isa pang nagpapahirap sa kanilang kalbaryo nang kumitid pa ang kanilang daan nang sinimulang i-quarry ang bundok.

Ang tinutukoy ni Jay-R ang ginagawang 3-kilometer access road mula Barangay Pamutan hanggang Barangay Camp 4 na proyekto ng Cebu City Government noon pang 2020.

Mula sa ilang imahe mula 2021 hanggang 2025, makikita kung paano nag-erode o gumuho ang lupa at nawala ang mga puno sa bundok.

Kinunan ng KMJS ng pahayag ang lokal na pamahlaan ng Talisay.

“Napag-alaman namin na ‘yun pala ay project ng DPWH Region 7 at tsaka nu’ng pinagawa yan ng DPWH Region, hindi man lang sila nag-coordinate ng LGU ng Talisay na in the first place dito sila dadaan sa road ng Talisay. Dapat sana 'yung DPWH, sila 'yung gagawa ng coordination,” sabi ni Dr. Jomar F. Rubio, Municipal Executive Secretary.

Nakipag-ugnayan ang KMJS sa DPWH Region 7 para kunan sila ng pahayag ngunit wala pa silang ibinibigay sa kasalukuyan.

“Gagawa tayo ng bagong hanging bridge. Then second, maghanap na lang kami ng safe na lugar na 'yung 10 families doon, ilipat na lang namin dito sa kabilang side ng river para safety talaga, hindi na sila tatawid ng river,” sabi ni Rubio.

“Wala akong matirahan ng iba. Magtatayo, sa iba malaking gastos. Gagawa ka ng bahay, bibili ka ng lupa. E dito may lupa kami, e dito na lang kami,” sabi ni Fernando.

Tunghayan ang kabuang kuwento sa video ng “KMJS.” – FRJ GMA Integrated News