Nahaharap sa reklamong homicide ang apat na pulis sa Catanduanes matapos masawi ang ibinabiyahe nilang detainee na nagpaalam umanong iihi pero nang-agaw daw ng baril at nagtangkang tumakas.
“Ang nag-file ng complaint po ay si wife niya [detainee] po at dalawang anak po,” ayon kay Del Gallego Police chief Police Captain Bernie Undecimo sa panayam sa telepono.
Ayon sa pulisya, mula sa Catanduanes Police Provincial Office ang apat na pulis na ibiniyahe noong Pebrero 6 papuntang Catanduanes mula sa Pasig City ang dalawang detainee, kabilang ang nasawi na si Michael Echague.
Pero tumigil ang sasakyan nila sa Rolando Andaya Highway dahil humiling umano ang mga detainee na iihi.
Nang alisin umano ang posas ni Echague, doon nito inagaw ang baril ng isang pulis at tinangkang iputok pero hindi pumutok dahil hindi pa nakakasa.
Tumakbo umano palayo ang detainee, at hinabol siya ng mga pulis.
“The suspect was subsequently pursued by police personnel. Upon reaching a bushy ravine approximately one (1) kilometer away from the vehicle, the suspect was seen in a kneeling position, aiming the seized rifle toward the pursuing officers, who were then seeking cover,” ayon sa Police Regional Office 5.
“Fearing for their safety, the police officers responded by firing their issued pistols, which resulted in the suspect sustaining gunshot wounds in different parts of his body,” dagdag nito.
Sa awtopsiya sa labi ni Echague, nagtamo siya ng tatlong tama ng bala, kabilang sa dibdib.
Isinailalim naman sa kustodiya ang mga sangkot na pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon,
Batay naman sa resulta ng paraffin test, negatibo ang mga pulis at dalawang detainees, na ayon sa mga awtoridad, ay maaaring naapektuhan umano ng direksyon ng hangin at umuulan nang mangyari ang insidente.
Sa isang ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, inihayag naman ng isa pang detainee na tumigil umano sila sa biyahe dahil sa hiling driver na magpahinga. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
