Laking gulat ng isang faith healer matapos kumulo ang dala-dala niyang langis o lana habang nagsisimba sa Santo Tomas, Batangas. Ayon sa manggagamot, may nakasalamuha umano siyang aswang sa loob mismo ng simbahan. Totoo kaya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita ang pagkulo ng langis na nasa loob ng isang maliit na bote o lana de Guerra, ng faith healer na si Edison Mariano. Nangyari umano ito habang nasa loob siya ng Parish and National Shrine of St. Padre Pio.

“Niyaya po ako ng asawa ko na magsimba. Bigla po uminit 'yung aking langis. Kinuha ko po 'yung bote. Nagbubula po siya,” kuwento ni Edison.

“Siguro may mga patay pa na hindi nakakataas,” sabi naman ni Edison sa kaniyang video habang nasa loob noon ng simbahan. “‘Pag kumukulo po 'yung langis, nandiyan 'yung sinasabi nilang aswang.”

Sa kanilang pag-uwi, may nakasalubong umano silang maliit na babae na 30 hanggang 40 ang edad, kulot ang buhok, at nakayuko kaya hindi niya gaanong naaninag ang mukha nito.

“Paghakbang ko ng tatlong hakbang. Sumabog po 'yung langis sa bulsa ko. Hindi kinaya 'yung bote na ‘yun sa tao na dumikit sa akin,” sabi niya.

“Ginamitan niya po ako ng salita siguro upang mabitak 'yung langis,” sabi pa ni Edison.

“Ibig sabihin po, malakas po 'yung kakayahan niya. ‘Pag nabasag na po 'yung bote, ibig sabihin po ‘yun, nililigtas po 'yung buhay mo,” paliwanag pa ng faith healer.

Ang misteryosong babae naman, bigla na lamang daw nawala. Hinala niya, kung hindi man masamang elemento, isa itong aswang.

Ayon kay Edison, siya mismo ang gumawa ng dala niyang lana de Guerra. Ginagawa niya raw ang mga ito kapag Mahal na Araw.

“Gawa po ‘yan ng niyog na walang mata, corrals ng dagat, 21 na holy water na galing sa simbahan, at tubig po ng diwata na Sierra Madre,” sabi niya.

“Ginagawa po siya ng Mahal na Araw, mga Biyernes. [Mag-start ng 12 p.m.], lulutuin hanggang 3 p.m. Kasi yan, tulog po 'yung Panginoon,” sabi niya.

Si Darius Perez at asawa nitong si Rose Ann Bilog, na pitong buwan nang buntis, kumukulo din ang langis mula sa lana de gera na gawa ng kumpare niyang si Edison.

“Naninigas 'yung tiyan ko, tapos hindi na ako makatulog. Sobrang init ng pakiramdam. Kumukulo siya, umaawas siya talaga,” kuwento ni Rose Ann.

Hinala ni Darius, may aswang na bumibisita sa kaniyang asawa. Pero dahil umano sa kanilang langis, nakakatulog nang maayos si Rose Ann.

Bukod sa mga lana, gumagawa rin si Edison ng mga singsing para daw sa matibay na pagsasama ng magkarelasyon.

Ang mag-asawang Telmo Gonzales at Jaycel Montales na mga security guard kaya hindi nagtutugma ang mga schedule, mas sumigla pa ang pagsasama dahil sa couple ring na ibinigay ni Edison at nabiyayaan pa sila ng anak.

Sa kalagitnaan ng shoot ng team ng KMJS, bigla na lamang umusok ang lana de guerra habang ini-interview si Edison.

Tunghayan sa “KMJS” ang pagbalik ni Edison sa simbahan para matunton ang misteryosong babae na kaniyang nakasalamuha, at ano ang paliwanag ng isang chemist tungkol sa pagkulo ng kaniyang langis. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News