Sampung pasahero ng MRT-3 sa Taft Avenue Station ang nasugatan matapos na biglang dumausdos na pababa ang dapat sanang paakyat na escalator.Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing puno ng pasahero ang escalator nang magkaaberya ito nitong Sabado ng umaga.Sa video footage, makikita na nadaganan ng mga kapuwa nila pasahero ang ibang nasa bandang ibaba ng escalator.Isang babae rin ang nasugatan sa paa.Ayon sa Department of Transportation (DOTr), dumausdos ang escalator matapos na bumigay ang pangunahing kadena nito.Patuloy na kinukumpuni ang escalator kaya napipilitan ang mga pasahero na gamitin ang hagdan, pati na ang mga nakatatanda.Humingi ng paumanhin si MRT General Manager Oscar Bongon sa mga naapektuhang pasahero at tiniyak na babayaran ang medical expenses ng mga nasaktan.“This is unacceptable because I reviewed the contract, dapat, within 48 hours, gumagana na ulit ang kahit anong escalator, elevator or apparatus dyan sa MRT-3,” ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon.Dahil sa nangyari, sinabi ni Dizon na susuriin niya ang pasilidad ng MRT-3.Hinikayat din niya ang mga apektadong pasahero na tumawag sa DOTr-MRT hotline sa 0995 736 3129 kung kailangan ng tulong.“The DOTr MRT-3, in collaboration with its maintenance provider Sumito Corporation, has successfully repaired the escalator at Taft Station, which was reopened and fully operational as of 5:33 pm today,” anang DOTr.“The DOTr assures those affected that MRT-3 will cover medical expenses, while the insurance company will assess and approve compensation for lost income due to the incident," dagdag nito. — FRJ, GMA Integrated News