Isang bahay na may dalawang palapag ang nasunog matapos sumabog umano ang isang LPG gasulette sa Barangay Central sa Quezon City. Ang mag-asawang may-ari ng bahay na nagluluto noon, nagtamo ng mga lapnos.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nabulabog ang mga residente ng BFD compound pasado 2 a.m. nang sumiklab doon ang sunog, na iniakyat ng Bureau of Fire Protection sa unang alarma.

Rumesponde ang hindi bababa sa walong firetruck.

Inabot ng mahigit 30 minuto bago tuluyang naapula ang sunog.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagluluto ang mag-asawa nang sumabog umano ang kanilang LPG gasulette.

Dinala sila sa ospital matapos magtamo ng lapnos sa braso at kamay, ayon sa Quezon City Fire Department.

Nasunog maging ang pera ng isa nilang anak, na tumanggi munang magbigay ng pahayag.

Ilang damit lang din ang naisalba ng pamilya.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News