Fine dining ang feels ng steak na alok ng isang ihawan sa Sampaloc, Maynila, dahil bukod sa karne ng baka ang nili-lechon, USDA-approved pa ito. Pero kahit abot-kaya raw ang presyo, “well-done” naman daw ang kinikita nito na 6 digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang The Roast Hub - Lechon Baka na itinayo ng 34-anyos na si DJ Eusebio.
“Yes po, pumapantay po ang kalidad ng product namin sa mga restaurants since ang gamit namin talaga [na karne ng baka] ay USDA. At pati po ang lasa, kuhang-kuha po,” sabi ni Eusebio.
Inilahad ni Eusebio kung bakit baka ang napili niyang itinda na lechon sa halip na manok o baboy.
“Bihira lang po ang nagbebenta ng roast beef. Hindi siya 'yung katulad na makikita mo sa lahat ng kanto, may makikita kang litson manok, liempo. Bihira lang po ang litson baka, kaya ‘yan po ang napili namin,” sabi niya.
Dagdag ni Eusebio, naisipan niya itong inegosyo dahil mahal ang steak sa mga restaurant. Kaya naman inaalok niya ito sa mga parokyano niya sa murang halaga pero premium pa rin ang kalidad at lasa.
Gumagamit si DJ ng beef belly o karne na nasa parte ng tiyan ng baka, na malasa umano dahil sa taba. Imported pa mula Amerika ang kanilang mga karne at pasado sa United States Department of Agriculture (USDA).
Ayon kay Eusebio, malambot at mabilis lang na maluto ang kanilang karte.
Pinapahiran din ang bala ng sikretong pang-marinade na si Eusebio mismo ang nagtitimpla. Pagkatapos, tutuhugin na ito sa stainless steel rods at saka iihawin.
Ang medium rare ay umaabot ng lima hanggang walong minuto, habang ang well done ay umaabot ng 10 hanggang 15 minuto.
Nagkakahalaga ng P329 ang isang order na 280 grams ng litson, na kasya na para sa dalawang tao.
Marso noong nakaraang taon lang nag-umpisa sa maliit na ihawan sa La Union ang negosyo ni Eusebio sa puhunang P90,000. Ginastos niya ito para sa griller, mga sangkap, at ipinagpagawa ng puwesto. Hanggang sa napalaki niya ito at nagkaroon na ng sangay sa Metro Manila.
May tig-tatlo na silang branches sa La Union, sa Metro Manila, at may mga ongoing franchising pa.
May online corporate job din si Eusebio bilang isang network engineer.
At isang taon matapos niyang itayo ang negosyo, kumita na umano si Eusebio ng six digits sa isang buwan. – FRJ GMA Integrated News
