Nasawi ang magkaibigang tumatawid sa Marcos Highway sa Antipolo City matapos silang mabangga ng isang kotse na mabilis ang takbo. 

Sa ulat ng GMA News “Saksi” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage ang dalawang biktima na napatigil sa gitna ng kalsada para iwasan ang isang dumaang sasakyan.

Pero sa kanilang pagtigil, isa pang kotse ang mabilis din ang dating at nakabangga sa kanila.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ng ilang metro ang mga biktima.

Nayupi naman ang hood ng kotse at nabasag ang windshield nito.

Ayon sa mga pulis, tila nakikipag-unahan ang kotse, na itinanggi naman ng driver. Aniya, hindi niya nakita ang dalawa dahil madilim kaya niya nabangga.

Desidido ang pamilya ng mga biktima na kasuhan ang driver. – FRJ GMA Integrated News