Ngayon malapit na naman ang summer, swak na destinasyon ng pamilya o magkakaibigan ang isla ng Limasawa sa Southern Leyte. Bukod sa maganda nitong dagat at kabundukan, sagana rin ito sa kasaysayan kung saan itinayo ang unang krus na simbulo ng pagsisimula ng Kristiyanismo sa bansa.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing sa Limasawa idinaos ang kauna-unahang Katolikong Misa sa bansa noong Marso 31, 1521. Kaya naman ito ang itinuturing duyan ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ang pantalan sa bayan ng Padre Burgos ang nagsisilbing jump-off point para marating ang Limasawa Island, Mula rito, maaaring sumakay sa mga pampasaherong bangka o mas malalaking lantsa na P200 ang kada tiket.
Makaraan ang mahigit kalahating oras, mararating na ang makasaysayang isla ng Limasawa, na pinakamaliit na bayan sa probinsya ng Southern Leyte.
Tahimik at mabagal ang buhay sa isla at walang mga magagarang hotel o high-end resort.
Wala ring jeep o bus sa Limasawa, at motor at tricycle ang pangunahing paraan ng transportasyon na nagkakahalaga na mula P10 hanggang P60 kung dulo-dulo ang biyahe.
Tiyak na enjoy ang road trip dahil walang traffic kung sasakay ng habal-habal o motorsiklo na P500 hanggang P700 ang renta kada buong araw.
Isa sa mga kilalang stop over sa isla ang “Little Batanes,” habang ang Totoy Peak naman ang perfect spot para makita ang 180 degrees na view ng isla.
Paliwanag ni Richard Pilos, Limasawa tourism officer, ang totoy ay nangangahulugang “breast” dahil may bato sa tuktok ang Totoy Peak kaya mistulang breast o suso ang bundok.
Ang isang resort naman na pagmamay-ari ni Norman Lambot, puting puti ang buhangin kaya mistulang nasa isang exclusive resort o island. Pero abot-kamay ang presyo ng entrance fee na nasa P50 lang.
Sa Barangay San Agustin naman, matatagpuan ang Island Lagoon, na tila bumuo ng isang natural swimming pool ang naglalakihang rock formations.
Puwede ritong mag-kayak na halagang P250, floating mat na P300 kada oras, banana boat ride, o kaya ay mag-cliff jumping.
Ang Magallanes Port ang pinaniniwalaang dinaungan ni Ferdinand Magellan noon. May itinatago itong ganda sa ilalim, na mistulang underwater playground ng mga freediver. At kung suwertehin, lumilitaw pa ang mga dolphin.
Sa Limasawa Island itinayo ang National Shrine of the First Mass, isang museum kung saan naroon ang spot kung saan ginanap ang pinakanaunang Misa sa bansa noong 1521.
Sa dulo ng isang hagdan na may 450 steps, nakatayo ang sariling bersiyon ng Magellan's Cross ng mga taga-Limasawa. Sa mismong lugar umano na ito, iniutos ni Ferdinand Magellan noon na ipatayo ang krus para maging simbolo ng Kristiyanismo.
“‘Yung original name ng Limasawa ngayon is Masawa. Masawa in itself is a Butuanon word for bright light,” Paliwanag ng local historian na si Rolando Borrinaga,
Ayon kay Borringa, nanatili ng isang Linggo noon sina Magellan, na nagdesisyong ipagdiwang ang Easter o Araw ng Muling Pagkabuhay.
Pero paano nga ba nakuha ang isla ang pangalan nitong Limasawa? Panoorin ang buong istorya sa video ng “KMJS.” – FRJ GMA Integrated News
