Sugatan ang isang lalaking palaboy nang tamaan siya ng bala mula sa baril na kaniya mismong pinaputok sa Baguio City. Ang baril, naagaw umano ng lalaki mula sa isang pulis.
Sa ulat ni Zendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage ang lalaki na naglalakad sa kalsada patungo sa Magsaysay Avenue.
Nakasunod naman sa kaniya ang ilang pulis.
“Habang naglalakad itong pulis natin ay biglang nakasalubong niya itong lalaking palaboy. Actually, may dala itong kutsilyo nang biglang hinablot niya ang baril ng pulis,” ayon kay Police Major Marcy Grace Marron, spokesperson ng Baguio Police Office.
Pagsapit sa lower Magsaysay, pinaputok umano ng palaboy ang baril sa pababang direksyon. Pero bahagyang tumama sa kaniyang balakang ang bala nito kaya kinailangan siyang dalhin sa pagamutan.
Kinalaunan, napag-alaman ng mga awtoridad na residente ng Santiago, Isabela ang 29-anyos na palaboy.
Pero ayon kay Marron, hindi na masabi ng lalaki ang eksaktong tirahan niya sa Isabela, at sino ang kaniyang mga kamag-anak.
Mahaharap ang palaboy sa kasong direct assault at illegal discharge of firearms habang paiigtingin naman ang pagmonitor sa mga palaboy para hindi na maulit ang insidente.—FRJ GMA Integrated News
