Hindi dapat maliitin ang mga blue-ringed octopus na gaya ng nakita sa Anda, Bohol. Bagaman maliit, may taglay pala itong matinding kamandag na kayang makapatay ng tao.
Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng content creator na si Anna Marie Gultinao, na namumulot siya ng halamang-dagat sa tabing-dagat nang makita niya ang maliit na octopus at kaniyang hinawakan.
Nang i-post niya ang video ng octopus, dinagsa ang kaniyang comment section ng babala dahil ang octopus na kaniya raw hinawakan ay kahawig ng makamandag na pugita na kayang makapatay ng 20 tao.
Ang blue-ringed octopus ay kasing laki lang umano ng golf ball pero may taglay na tetrodotoxin, ang katulad na kamandag o lason na makikita sa mga puffer fish.
Ang isang milligram ng naturang lason ay kayang makaparalisa o pumatay ng isang tao.
Ngunit hindi naman daw basta-basta nang-aatake ang naturang uri ng pugita.
Masuwerte umano si Gultinao dahil hindi ginamit ng pugita sa kaniya ang kamandag nito.
"Iwasan, huwag paglaruan. Kalimitan, 'yung mga incidents nito is accidental. 'Pag nako-corner sila and na-po-provoke, dun lumalabas 'yung kanilang medyo bangis din," sabi ng marine biologist na si Glenville Castrence. – FRJ GMA Integrated News
