Sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para matulungan ang mga Pilipino na nagnanais na makauwi sa bansa. 

Sa pinakahuling tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), umabot na sa 1,979 ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na humiling sa Migrant Workers Office para maiproseso ang kanilang repatriation. 

“Rest assured the effort continuous to look out for those who remain. we are finding ways yung airspace still rather limited when in comes to dubai,” ani Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac. 

Pinakarami ang gustong ma-repatriate mula sa Kuwait (633 OFWs), Bahrain (312), at Abu Dhabi (285).

Mayroon din mga OFW mula sa Dubai (231), Qatar (173), Saudi Arabia (90), Israel (61), Lebanon (26), at Jordan (10). 

“Our people at the ground are working 24/7 dito sa pilipinas at sa mga posts po natin hindi lang sa gitnang silangan pati din sa mga posts na may affected airports meaning na may kababayan na stranded ngayon,” sabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan. 

Unang batch

Kaninang umaga, dumating na sa bansa ang unang batch ng mga Pilipino na inilikas ng gobyerno matapos maipit sa kaguluhan sa Middle East. 

6:45AM nang lumapag sa NAIA Terminal 3 ang eroplano mula sa Dubai. 

Sakay nito ang 299 Pilipino na karamihan ay mga stranded na travelers. 

Mayroong pang mga bata at sanggol. 

Sa naturang bilang, 23 ay OFWs habang dalawa ay anak ng OFW.

Sinalubong sila ni Cacdac, at mga kinatawan ng OWWA, DSWD, at DOH. 

“On behalf of the president we would like to express our thanks to the government of United Arab Emirates and the Emirates Airlines. Bunsod din ito kasi ng mga nakansela na mga flight so they wanted to board na mga passengers ng cancelled flights,” ani Cacdac.

Tiniyak naman ng OWWA na may matatanggap na tulong ang mga inilikas na OFW. 

“Standard naman po na tulong ng owwa dyan ang transportation assistance, domestic transportation assistance, temporary accommodation sa mga kailangan, meals, and of course meron tayong financial assistance,” ani Caunan. 

Samantala, hindi pa masabi ng DMW kung kelan maiuwi sa bansa ang labi ng OFW na si Mary Ann De Vera na nasawi sa Israel. 

“We are just waiting for the proper time to have Israeli authorities to clear the airspace and open the airport and have the airline fly out of tel aviv. We are talking about human remains it’s not so easy to transport OFW Mary Ann to another area and fly her out from another area,” ani Cacdac. —VAL GMA Integrated News