Nangako ang pamahalaan ng Israel na magbibigay sila ng panghabambuhay na suporta sa pamilya ng Pinay caregiver na nasawi sa missile attack ng Iran sa Tel Aviv, ayon kay Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh.

Batay sa ulat ni Carlo Mateo ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing naging emosyonal si Kursh habang ipinapaabot ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera.

Nasawi si De Vera matapos madaganan ng debris nang tamaan sa missile attack ng Iran ang tinutuluyang apartment ng kaniyang amo, na kaniya namang nailigtas.

Ginawa ng Iran ang pag-atake sa Israel bilang ganti sa pag-atake ng Israel at Amerika sa kanilang bansa nitong Sabado.

Ipinaliwanag ni Kursh na sa ilalim ng batas ng Israel, ang mga pamilya ng mga nasugatan o nasawi sa panahon ng isang labanan—Israeli man o dayuhan—ay may karapatan sa panghabambuhay na benepisyo.

Sa ilalim ng batas na ito, makatatanggap ang pamilya ni De Vera ng tulong pinansyal, kabilang ang suporta para sa kabuhayan, mula sa pamahalaan ng Israel.

Dagdag pa ng embahador na ang national security agency ang mangangasiwa sa pagpapalabas ng mga benepisyo.

Sinabi rin ni Kursh na personal niyang sasalubungin ang mga labi ni De Vera kapag dumating na ito sa Pilipinas.

Hanggang nitong Martes, wala pang katiyakan kung kailan maiuuwi ng bansa ang mga labi ni De Vera. — FRJ GMA Integrated News