Lumitaw na menor de edad ang dalawa sa pitong panadero na pinatay sa saksak sa loob ng isang bakery shop sa Antipolo City, Rizal. Ang pulisya, duda sa kuwento ng sumukong suspek na mag-isa lang siyang pumatay sa mga biktima.Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng panaderya sa Barangay Cupang kaninang 8 a.m. na may mga saksak sa katawan.“There was somebody calling for help since 11 p.m. pero nobody heeded. Nung umaga na lang nakarating sa sitio, chairman at rescue naabutan pa nila na may buhay pa yun hanggang doon na bawian ng buhay sa ambulance,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City police.Dakong 9:00 am nang sumuko sa mga pulis sa Camp Crame ang suspek na co-owner umano ng panaderya.“Kasi wala naman ako mapuntaha. Kung maglayas naman ako ganun din naman mahuli din ako kaya sumuko na lang ako. Pag-alis ko dun sa gawaan, pumunta na ako sa Crame,” ayon sa suspek.Sinabi ng suspek na nagplano ang mga biktima, kasama ang master baker at kasosyo niya sa bakery na papatayin umano siya.“Pinagbantaan kasi nila ako na papatayin nila ako gamit yung unan. Para pagdating ng asawa ko bukas papalabasin nilang binangungot ako. Narinig ko nag-usap sila dalawa kasi kami magkasosyo sa bakery tapos lahat ng trabahante namin halos lahat kamag anak niya. Kumbaga pinagkaisahan nila ako. Kung mapatay ako sa kaniya na mapunta ang business namin kaya inunahan ko na sila,” ayon sa suspek.Inilibre umano niya sa inuman ang mga kasama niya sa panaderya dahil sa kaniyang kaarawan. Pero nakatunog umano siya sa masamang balak sa kaniya kaya pinatay niya ang mga ito matapos ang inuman at patay na ang ilaw.“Lahat sila sumugod sila sa akin, lumaban sila sa akin kaso lang wala silang kutsilyo, ako lang may kutsilyo. Hindi naman sila makatama kasi madilim walang ilaw. Lumalapit sila sa akin, niyayakap nila ako siyempre ako ang makasaksak,” patuloy ng suspek.Ngunit duda ang pulisya sa kuwento ng suspek sa motibo atl wala itong tinamong sugat sa katawan kahit pito ang biktima na sinasabi niyang lumaban.“Hindi kami makukuntento dun na siya lang ang salarin. Possibly may kasamahan din siya titingnan natin 'yan. Hindi na tayo makuntento sa version mismo ng suspek kundi ano ba masasabi ng ebidensya na magagather natin,” ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, PNP Rizal provincial director.—FRJ, GMA Integrated News