Nagpakita ng lakas ang world no. 72 na si Alex Eala sa panimula niyang laban sa Madrid Open nang talunin niya ang katunggaling si Viktoriya Tomova ng Bulgaria sa Round of 128 na ginanap sa Spain.
Namayani si Eala sa iskor na 6-3, 6-2, laban kay Tomova, na mas mataas ng walong puwesto sa world rankings kumpara sa 19-anyos na Pinay tennis star.
Dahil sa panalo ni Eala, uusad na siya sa Round of 64 kung saan muli niyang makakaharap ang world no. 2 na si Iga Swiatek.
Naglaban noon sina Eala at Swiatek sa nakaraang Miami Open kung saan ginulat ng Pinay ang mundo nang makapagtala siya ng upset sa kanilang paghaharap sa quarterfinals ng naturang torneo na ginanap sa Amerika nitong nakaraang Marso.— mula sa ulat ni Justin Kenneth Carandang/FRJ, GMA Integrated News