Tanging abogado lang ang ipinadala ng kontrobersiyal na motorcycle vlogger na si "Yanna" sa ginanap na pagdinig sa Land Transportation Office (LTO) nitong Martes. Ang nakaalitan niyang pickup truck driver, sumipot at sinabing hindi niya alam noong una na babae pala ang rider na sumenyas ng nag-dirty finger sa kaniya.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Martes, kinatawan ni Atty. Ace Jurado si Yanna, o Alyannah Aguinaldo, sa naturang pagdinig na ginawa kasunod ng show cause order na inilabas ng LTO laban sa kaniyang kliyente.
Nag-ugat ang SCO ng LTO bunga ng viral video ni Yanna na nakikitang nakikipagsagutan siya sa driver na si Jimmy Pascua, na naunang sinenyasal ng motovlogger ng dirty finger matapos umano siyang muntik na magitgit sa isang kalsada sa Zambales.
Sa naturang pagdinig, binasa ni Jurado ang sulat ni Yanna na humihingi ng paumanhin sa ahensiya, at maging kay Pascua at sa pamilya nito, at sa iba pang nasaktan sa kaniyang inasal.
"Ako po ay humihingi ng sinserong pagpapaunmanhin dahil napagdesisyunan ko na po na hindi sumagot at humarap na lang ng personal sa show cause order ng LTO. Ano man po ang maging desisyon patungkol sa aking maling nagawa ay lubos ko pong gagalangin, at mapagkumbabang tatanggapin ang ano man kaparusahan na maaring ipataw sa akin ng inyong ahensya," saad sa binasang sulat ni Jurado.
Inihayag din ni Yanna sa sulat na naapektuhan na rin umano at nadadamay ang kaniyang pamilya, at nakatatanggap din umano sila ng pagbabanta.
Gagawin na lang umano niya ang pagpapaliwanag sa "tamang lugar at tamang pagkakataon."
Sinabi naman ni Pascua na itutuloy niya na sampahan ng kaso sa korte si Yanna dahil sa ginawa nitong pamamahiya sa kaniya, at nadamay din umano ang kaniyang pamilya.
Ipinaalam din ni Pascua na kinausap ng kaniyang kapatid si Yanna para alisin na ang video pero hindi raw ginawa ng vlogger.
Ayon pa kay Pascua, hindi rin umano ipinakita ni Yanna sa ipinost nitong video ang buong pangyayari kung bakit muntik na niyang madikitan ang motorsiklong minamaneho ng vlogger.
Sinabi pa ni Pascua na handa umano niyang palampasin ang dirty finger ni Yanna nang sandaling iyon pero hinintay daw siya sa tulay kaya siya bumaba sa kaniyang sasakyan.
"Eh akala ko lalaki, babae naman pala kaya nag-lie-low ako [at bumalik sa sasakyan]," kuwento niya.
Una rito, pinagpapaliwanag ng LTO si Yanna kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho "for allegedly instigating a road rage." -- FRJ, GMA Integrated News

