Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang babae sa loob ng pinapasukang tindahan sa Quezon City. Ang suspek sa nahuli-cam na krimen, ang lalaking dating katrabaho ng biktima.Sa ulat ni Katrina Son sa GTV News State of the Nation nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lyka Bernardo, 27-anyos, na makikitang pilit na lumaban sa suspek.Sa kuha ng CCTV camera sa loob ng tindahan na nasa kanto ng Tandang Sora at Quirino highway, May 3 ng 9:00 pm, makikitang hinahatak ng 22-anyos na suspek ang nagpupumiglas na biktma papasok sa kusina.May hawak na patalim ang suspek na tila kinokompronta noong una ang biktima hanggang sa saksakin niya ang babae.Pero nanlaban ang biktima at kumuha naman ng isa pang patalim ang suspek na nakuha niya sa kusina.Kinaumagahan, nakitang patay na ang biktima sa tindahan, habang wala na ang lalaki.Dahil sa kuha ng CCTV camera at mga gamit na naiwan sa tindahan gaya ng wallet na may ID, natukoy ang pagkakakilanlan ng salarin na dating katrabaho ng biktima.Sa paunang imbestigasyon ng pulis, galit na nag-ugat tungkol sa trabaho ang motibo sa krimen."Tandem sila sa mga assignment nila dito sa store. So noong nag-inventory itong si biktima, napag-alaman niya na may discrepancy doon sa kaniyang mga inventory," ayon kay Police Captain Febie Mafrid, QCPD spokesperson.Kinompronta umano ng biktima at suspek, na humantong para matanggal sa trabaho ang lalaki.Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News