Matapos ang itim na usok sa naunang dalawang botohan ng mga kardinal, puting usok na ang lumabas sa tsiminea o pausukan sa Sistine chapel sa Vatican na indikasyon na may napili nang bagong Santo Papa--si US Cardinal Robert Prevost na pinili ang pangalang Pope Leo XIV.
Ang 69-anyos na si Prevost ang ika-267 na Santo Papa, at kauna-unahan na magmumula sa Amerika.
Isinagawa ang pagboto sa bagong Santo Papa matapos pumanaw si Pope Francis nitong nakaraang buwan dahil sa sakit sa stroke.
Nang lumabas ang puting usok, malakas na palakpakan ang nadinig mula sa mga taong nasa labas ng Sistine chapel at naghihintay sa resulta ng botohan ng cardinal electors.
Unang lumabas ang itim na usok nitong Miyerkules ng gabi, at naulit nitong tanghali ng Huwebes.
Nakita ang puting usok dakong 6:20 p.m. o 12:20 a.m. (oras sa Pilipinas).
Mayroong 133 kardinal ang bumoto para pumili ng bagong Santo Papa, na kailangang makakuha ng two-thirds ng boto upang siyang mamuno sa nasa 1.4 bilyong Katoliko sa mundo.
Matapos ang pagpili sa bagong Santo Papa, paghahandaan naman ang kaniyang magiging inagurasyon.
Nang mapili noong Santo Papa si Pope Francis, isinagawa ang kaniyang inagurasyon, anim na araw matapos ang ginawang botohan.
— FRJ, GMA Integrated News