Naaresto na ang lalaking suspek sa pananaksak at pagpatay sa babaeng dati niyang katrabaho sa loob ng isang tindahan sa Quezon City. Ang suspek, nagtago sa lalawigan ng Surigao.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Police Colonel Glen Silvio, District Director, QCPD, na nagtamo multiple stab wounds ang 27-anyos na biktima.

Kabilang dito ang tatlong saksak sa leeg na siyang naging dahilan umano ng kamatayan ng biktima.

Limang araw matapos gawin ang krimen, nadakip na ang 22-anyos na suspek na unang nakilala dahil sa kuha sa CCTV camera sa loob ng tindahan at sa naiwan niyang wallet nang gawin niya ang krimen.

Ayon kay Silvio, nakipag-ugnayan sila sa kamag-anak ng suspek para hikayatin itong sumuko.

Mula sa Surigao, ibinalik na siya sa Quezon City para harapin ang ginawa niyang krimen.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek pero sinabi ng pulisya na patong-patong na galit ang lumilitaw na motibo ng suspek kaya pinatay nito ang biktima.

Sinisisi umano ng suspek ang biktima kaya siya natanggal sa trabaho, at pinagtatawanan pa umano.

Kasong murder ang kakaharapin ng suspek. -- FRJ, GMA Integrated News