Sugatan ang isang miyembro ng LGBTQIA+ community sa Tondo, Maynila matapos siyang bugbugin ng kapwa LGBT dahil umano sa selos.
Nangyari ang insidente sa Asuncion Market nitong Linggo ng gabi.
Katatapos lang dumalo ng binyagan ang biktimang kinilalang si alyas Erica, 27-anyos, nang mapadaan siya sa Asuncion Market sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo.
Ilang saglit lang, nilapitan siya ng suspek na kinilalang si alyas Miriam, 26-anyos, at bigla siyang pinagsusuntok nito.
Kita pa sa CCTV na kahit bumagsak na ang biktima, patuloy pa rin siyang pinagsusuntok at pagtatadyakan ng suspek. Matapos nito, agad tumakas ang suspek.
Bukod sa mga sugat sa mukha, bugbog-sarado rin ang katawan ng biktima matapos sumemplang ang motor na pinagsakyan sa kanya habang papunta sa ospital.
Sa kuwento ni alyas Erica, selos ang naging ugat ng krimen.
Ex-girlfriend niya kasi ang live-in partner ngayon ni alyas Miriam.
Dumalo pa raw siya noong araw na iyon sa binyag ng pamangkin ng kanyang ex na isa sa posibleng ikinagalit ng suspek.
Ayon naman sa pulisya, kabilang sa tinitingnan nilang anggulo ang posibilidad na nagalit ang suspek sa biktima matapos nitong malaman na pinagsabay pala sila ng kanyang live-in partner.
Agad namang nahuli ang suspek matapos siyang kusang loob na nagtungo umano sa barangay.
Kuwento ng suspek, tatlong taon na silang mag-live-in ng kanyang girlfriend at kailan lang niya nalaman na may iba pa pala itong kasintahan.
Napag-alaman ng suspek na siyam na buwan na ang relasyon ng biktima at ng live-in partner niya, at kahihiwalay lang nila nitong nakaraang linggo.
Paliwanag ng suspek, ginantihan lang niya ang biktima na nauna raw nanuntok sa kanya.
Nasa kustodiya na ng Moriones Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong frustrated homicide. —KG, GMA Integrated News