Sugatan ang 25-anyos na lalaking matapos masaksak ng isang lalaki sa Barangay Parang sa Marikina City noong Biyernes.  

Sa imbestigasyon ng pulisya, may dati nang alitan ang dalawang lalaki bago maganap ang pananaksak. 

“Nung susunduin po sana ng ating biktima ang kaniyang live-in partner, yung ating witness po dito ay nakita niya po na magkasama sila nitong suspek na dati niya pong ka-relasyon at nauwi po yun sa isang komprontasyon at nagkaroon sila ng wrestlingan, yung biktima at suspek, at di niya na po namalayan na nasaksak na pala siya ng ating suspek,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, Chief Marikina City Police.

Sa likod at tagiliran nagtamo ng mga saksak ang biktima. 

Tumawag ng saklolo ang babaeng live-in partner at nakorner ng mga residente ang suspek, ayon sa pulisya. 

Naaresto ang suspek kalaunan at narekober sa kaniya ang ginamit na patalim.

Aminado ang 28 anyos na si "Alyas Jo" sa krimen na nagawa raw niya dahil sa selos.

Gumanti lang daw siya sa pananakit ng biktima.

“Siya po yung nauna na na nanakit. Sa pagsuntok tapos sa pagtulak. Nawalan na po ng kontrol, naano ko na siya, nasaksak… dahil po sa selos," sabi niya.

“Humihingi po ako ng tawad sa taong yun. Hindi ko po ginusto yung mga ganung bagay.”

Susubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang biktima na nagpapagaling sa tinamong mga saksak.

Sa custodial facility ng Marikina Police nakakulong ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated murder. —VAL GMA Integrated News